Credits to Ms. Rosemarie Peñamora Tan's personal Facebook account |
September 9, 2017 at 21:44, nang magpost si Ms. Rosemarie Peñamora Tan sa kanyang Facebook account tungkol sa kanyang "7 Days Challenge" na umabot ng 99,550Php. Sa dami ng perang naipon mula sa nasabing challenge, agad naman itong naging viral at umani ng sandamakmak na papuri at batikos mula sa mga netizens. Dito natin hihimayin ang mga detalye.
Una sa lahat, sino nga ba si Rosemarie Peñamora Tan? Sa murang edad na 21, si Rosemarie, o mas kilala bilang Rosmar, ay maituturing nang isang boss. Naimbento niya ang produktong Mysterious Madre Cacao noong siya ay 19 taong gulang pa lamang. Ito ay isang organikong produkto para sa mga hayop na nakakaalis ng galis, pulgas, garapata, balakubak, galos, pamumula, pangangati, paglalagas ng balahibo, ear mites, at di kaaya ayang amoy. Mayroon itong iba't ibang uri, nandyan ang shampoo, extract spray, conditioner, oil, cologne, spot on, ointment, at disinfectant. Dahil sa kanyang inimbentong produkto, nagkaroon na siya ng pagkakataon na maitampok sa mga pangkabuhayang programa sa GMA7 at ABS-CBN.
Ayon sa post ni Rosmar noong August 19, 2017 ay pinagsabay niya ang kanyang online business at pag-aaral noon ng MedTech sa Far Eastern University (FEU). Ayon pa sa kanya, mas pinili pa raw niyang magkaroon ng St.Bernard na aso kaysa magkaroon ng pagsasalo para sa kanyang debut. At ayon din sa kanya, nakaipon siya ng tumataginting na 300,000Php mula sa nabenta niyang puppy batch 1 na siya namang ipinambili niya ng mas marami pang aso. Sa kabanatang ito ng kanyang buhay, malinaw na sa murang edad pa lamang ay malaki na ang kinita niya sa kanyang pagnenegosyo. Taong 2015 naman ay nagtapos na siya sa kanyang kurso at kahanga hanga nga namang napagsabay niya ang pag aaral at pagnenegosyon. Ang tanong, sa kinita niyang iyon, nabayaran ba niya ang tamang buwis halintulad sa pagbabayad ng buwis ng maliit man o malaking negosyo dito sa ating bansa? Si Rosmar o ang Bureau of Internal Revenue (BIR) lamang ang makakasagot niyan.
Rosmar's actual post: August 19, 2017 at 13:50 |
Ngayon, dadako naman tayo sa pinaka pinag uusapang post niya, ang "7 Days Challenge" na umabot sa 99,550Php kung saan inipon niya ang lahat ng 50, 100, 500, at 1000 na dumadaan sa kanya. Kahanga hanga hindi ba? Para sa isang mahusay na batang negosyante na may online business, pet shop, restaurant, food cart business, at sariling bahay, sa totoo lang ay kakarampot lang yan ng pwede niyang kitain. Ngunit dito na nga siya inulan ng batikos at aminado akong kwestyonable nga ang kanyang mga pahayag. Bukas ang aming website para sa kahit anong paliwanag o mensahe na nais iparating ni Rosmar o ng kayang panig at malugod kaming makikinig sa inyong mga komento sa paksang ito. Bilang isang negosyante rin na may adbokasiyang palawakin ang kaalaman ng nakararami tungkol sa financial literacy, ako ay labis na nalungkot sa naturang post ni Rosmar.
Dapat malinaw sa ating lahat na ang IPON, o SAVINGS sa Ingles, ay makikita sa pamamagitan ng pagbawas ng lahat ng gastusin o expenses mula sa iyong kita o income. At ayon sa post ni Rosmar, ang perang iyon ay nakalaan para sa buwanang bayarin tulad ng pasweldo sa tauhan, upa sa pwesto, tubig, kuryente, at kung ano ano pang pangangailangan sa araw araw. Sa makatuwid, ang salaping nagkakahalaga na 99,550Php ay HINDI IPON kundi GROSS INCOME na babawasan pa ng buwis at gastusin. Kung ano ang matitira doon, yun lamang ang magsisilbing kita o PROFIT na maaaring pagkuhanan ng ipon. Dahil sa salitang "IPON" na ginamit sa pahayag, nagkaroon ng kalituhan sa panig ng mga nagbabasa kung kaya't inakala ng ilan na ito'y ipon na hango mula sa tamang depenisyon ng kung ano ang ipon.
Rosmar's actual post: September 9, 2017 at 21:44 (part 1) |
Rosmar's actual post: September 9, 2017 at 21:44 (part 2) |
Sumasang ayon naman ako sa mga huling pahayag ni Rosmar na mahalagang handa tayo sa mga gastusin ngunit dapat talagang linawin na hindi maituturing na ipon ang pera na nakalaan para sa tiyak na gastusin. Ang kulit mo ng very very light, Ms.Rosmar! At sa pagpapaliwanag mo, inulit mo pa talaga. Ulitin natin; GROSS INCOME less TAXES and EXPENSES = PROFIT at mula sa PROFIT, saka mo pa lamang makukuha ang SAVINGS o IPON. Dinamay mo pa ang barya challenge at 50 pesos challenge na totoong maituturing na savings. Maliit na halaga nga lang sila pero totoo silang savings.
Rosmar's actual post: September 9, 2017 at 23:22 |
At ito pa, kung gagawa po tayo ng post, gawin namang makatotohanan. Itinaktak mo si lata, nagvideo ka pa. Ikinalat mo ang pera, puro 50, 100, at 500. Paglatag mo sa kama, nagkaroon na ng lilibuhin. Kaya ka kinwestyon ng ibang netizens eh. Sa totoo lang hindi naman sila bashers, nagtatanong lang talaga kasi dinaig pa ang magic.
(Itinaktak at ikinalat) Screen shots from Rosmar's video posted September 9, 2017 at 21:44 |
(Inilatag sa kama) Photo posted by Rosmar on September 9, 2017 at 21:44 |
Sa layunin na makapag inspire ng kapwa, panalo ka diyan. Tunay nga namang kahanga hanga ang pagpapalago mo ng iyong mga negosyo sa murang edad. Ngunit naging mas makabuluhan sana ito kung isinaisip at isinapuso mo na gusto mo lamang mainspire ang mga tao sa iyo. Ika nga nila, "think before you click", at hindi mo man sinadya, ikaw ay nakapagkalat ng maling impormasyon patungkol sa pag-iipon. Hindi ko na naman siguro kailangan pang ulitin. Kung gusto mong maging inspirasyon, maaari mong ilathala sa social media ang larawan ng iyong mga negosyo at maaari kang magpaabot ng mensahe patungkol sa masinop na pagpapatakbo ng negosyo. Maaari mong palakasin ang loob ng ating mga kababayan na inaakalang hindi nila kakayanin ang pagnenegosyo. Rosmar, mahusay kang negosyante. Nagmukha ka lamang mayabang sa mata ng ating mga kababayan dahil sa iyong napiling paraan ng pagpapakita ng iyong narating. Sana ay magsilbing gabay ito sa'yo. Ipinapaalala ko rin na sana ay bago ka magpahayag ng impormasyon ay siguraduhin mo munang tama at beripikado ang iyong ipinapakalat na detalye upang hindi magsanhi ng kalituhan.
At ang pinaka huli at pinaka importante, sa lahat ng negosyong iyong nabanggit, ang iyong online shop, pet shop, restaurant, at food cart business, umaasa akong legal na nakarehistro ang mga nabanggit at nagbabayad ka ng tamang buwis. Kung susumahin, ang 99,550Php ay kaya mong kitain sa loob ng pitong araw. Ipagpalagay na natin na yan ang karaniwang kita mo sa loob ng isang linggo at hindi ko na isasama sa pagkukwenta ang mga baryang 20, 10, at 5, at piso. 99,550Php (per week) x 4 (weeks in a month) = 398,200Php na gross income. Mula sa 398,200Php, pumapatak na nasa 47,784Php ang (12%) tax mo kada buwan. Hindi pa kasama diyan ang buwis ng empleyado at buwis sa pagrenta. Sa makatuwid, ikaw ay may maituturing na may malaking ambag na rin sa buwis na nakukuha mula sa iyo ng gobyerno. Sa totoo lamang ay malaki pa ang buwis mo kaysa maliliit na mamamayan na sumasahod ng minimum o below minimum wage. Sana nga lamang ay talagang matapat ka sa pagbabayad ng iyong buwis. Makakatulong sa paglilinaw kung ito ay makakarating din sa Bureau of Internal Revenue (BIR) RDO na nakakasakop sa kanyang mga nabanggit na negosyo.
Rosmar's Facebook post on September 9, 2017 at 21:44 |
Para sa mga kababayan natin na nais magnegosyo, nawa'y maging ehemplo si Rosemarie Peñamora Tan upang lalo niyong pagsumikapan ang inyong mga pangarap. Pag-aralang mabuti ang mga bagay bagay bago sumuong sa pagiging negosyante. Maraming tao ang boluntaryong tumutulong sa mga taong nais magkaroon ng financial literacy. At lagi niyong tatandaan na hindi masamang magtanong. Muli, bukas ang aming website para sa kahit anong paliwanag o mensahe na nais iparating ni Rosmar o ng kayang panig at malugod kaming makikinig sa inyong mga komento patungkol sa paksang ito.
No comments:
Post a Comment