Sunday, May 1, 2016

Pilipino ang Gamot sa Pilipinas



Ilang araw na lang, eleksyon nanaman dito sa Pilipinas.
Alam ko na kung sino ang mga iboboto ko
at kitang kita naman sa ilan nating kababayan
ang suporta sa mga napili nilang kandidato.
Yung ilan nga riyan, nakikipag diskusyon pa talaga
para ipilit sa ibang tao ang nais nilang mahalal.


Sa ilang eleksyong pampangulo na nasaksihan ko,
ito na siguro ang pinaka maganda
at pinaka madumi sa pangkalahatang aspeto.
Maganda, dahil may taglay na kahusayan
ang bawat kandidato kung kaya naman
abot langit ang suporta ng sambayanan sa kanila.
May ekonomista, may maka demokrasya,
mayroong saksakan ng talino, kamay na bakal,
may puso para sa mamamayan, at iba pa.

Talagang maganda ang laban kung tutuusin
at gaya ng lahat ng nilalang, bawat isa
ay mayroon ding bahid-dungis na taglay.
Dito pumapasok ang dumi ng eleksyong ito.
Kaliwa't kanan ang batuhan ng pambabatikos
sa kapwa nila kandidato, totoo man o hindi.
Lahat naman sila ay edukado ngunit tila yata
nakalimutan nila ang respeto.

Hindi nila kayang bigyang respeto
ang paniniwala ng kanilang kalaban
gayong iisa lamang naman ang layunin nila,
ang pamunuan at paunlarin ang Pilipinas.
Ang masaklap pa rito, tila naglaho na rin
ang respeto nila sa kanilang mga sarili.
Nagagawa nilang bumaba sa lebel
at sa puntong uungkatin nila ang baho
ng kanilang kalaban, para sa pansarili
nilang kapakanan at estado.

Nakakasawa na ring mabasa at marinig
na si ___________ daw ay ___________
sabi ng kampo ni ____________.
Ilang buwan na ring ganyan ang balita
mapatelebisyon, peryodiko, o social media.
Salamat na lang at mag-eeleksyon na.
Siguro, ang maririnig naman natin ay
Nadaya si ____________. Leche!

Pero hindi yan ang pinaka masaklap
sa eleksyong ito, maniwala ka.
Hindi ba, Pilipino ka rin?
Nakikita mo ang suporta ng kapwa mo
sa kandidato nila, baka nga ganoon ka rin.
Yung tipong makikipagbalitaktakan pa
sa social media para ilathala ang kasiraan
ng ibang kandidato o depensahan ang napili mo.
Kahit kaibigan ay aawayin, maipilit lang
ang sa tingin mo'y mas nararapat.
Hindi ko rin naman nilalahat. Mayroon pa rin
namang iilan na marunong rumespeto
sa desisyon ng kanilang kapwa.

At isa pa pala, ngayon lang yata ako nakakita
na halos lahat ay may campaign anti_______
na nagpapakalat ng negatibong balita
at naghihikayat na huwag iboto ang kandidato.
Hindi lang yan, may flyers pa ang mga gago.
Kung talagang tiwala sila sa kakayahan
ng kanilang iboboto, hindi nila kailangan yan.
Takot lang din sila dahil alam nila
na malakas din ang kalaban.

Sa huli, kahit ano pa ang maging resulta,
mananalo ang mga Pilipino.
Ika nga ni Thomas Jefferson,
"The government you elect,
is the government you deserve."
Magandang pakinggan, hindi ba?
Pero anong klaseng mamamayan ka ba?
Kung karamihan ay mandaraya, baka nararapat
na mandaraya din ang mamuno.
Kung karamihan ay sakim sa materyal na bagay,
baka dapat ay kurakot ang mamuno.
Kung puro matitigas ang ulo ng mamamayan,
kakailanganin ng pinuno na magdidisiplina.
At higit sa lahat, kung karamihan ay kayang
ipakita ang respeto sa kanilang kapwa,
isang taong naiintindihan ang respeto
at kayang ipamalas ito, ang siyang mamumuno.

Yang mga kandidatong yan, iba't iba lang ng pabalat.
Iba't iba lamang sila ng paraan ng pamumuno.
Pero ang pinaka matimbang na batayan
ng isang bansa ay hindi ang pinuno,
kundi ang mamamayang namamalagi dito.

Simulan mo sa sarili mo.
Sa simpleng pagtatapon ng basura,
pagtawid sa tamang tawiran,
pagsunod sa batas trapiko,
pagtulong sa iyong kapwa,
paglalahad at pagbabayad ng tamang buwis,
pag gawa ng iyong tungkulin sa trabaho,
pagbibigay kabuhayan sa pamilya mo,
pag galang sa mga nakatatanda,
pagrespeto sa paniniwala ng iba,
pagpapaaral sa iyong mga anak,
at marami pang ibang bagay na tiyak
makabubuti hindi lamang sa iyong sarili
at pamilya, kundi para rin sa iyong kapwa.
Pilipino ka, ikaw ang gamot na hinihintay mo
para sa bayan natin, ang Pilipinas.

No comments:

Post a Comment